Bakit sa tuwina'y kaydilim ng umaga?
Mga kulog at kidlat nagbabadya baga
Luksang ulap humahadlang talaga
Sinasansala ang mithing ligaya.
Kawangis ng batong di natitinag
Ang tanging saksi sa mga naganap
Mga nakita'y di maibulalas
Pangkat walang layang makapagpahayag.
Kawangis ng mangmang na'y pinutol pa and dila
Dahil sa nakita ang krimeng nagawa
Mga nakita'y pinagwalang bahala
'Pagkat sa pagwika'y wala siyang laya.
Kawangis ng lahing minsa'y walang kibo
Laging yumuyukod, laging tumatango
Sa pagkasubasob di makatayo
Pagkat pinipigil ang mga maling turo.
Ah! Kailan nga ba sisikat ang araw?
Upang magsiwalat ng katotohanan
Upang ipabatid mga kamalian
Bunga ng ulap ng kasinungalinan.
Ang paraan kaya'y magsawalang kibo
At huwag indahin sugat na tinamo
O hanapin ang mga nagkanulo at
Kuhanin ang apdo't durugin an puso?
No comments:
Post a Comment