imotiv

Popular Posts

Tuesday, August 11, 2020

MERDEKA BRONZE


 Pauwi ng ang Mangyan

Matapos makipaglaban

Sa larong labis na minamahal

Di naman umuwi na isang luhaan.


Dito ay aking pinilit

Makasali kahit saglit

Di pinaghari ang pagkainip

Kaya iyon tanso ay nakamit

Friday, July 24, 2020

MGA AGILA NG MINDORO

MGA AGILA NG MINDORO
Leon Asilo

Marami kaming lumipad pagkataastaas
Kaysarap lumangoy sa mga ulap na busilak
Mga bagwis walang pagod sa kakukumpas
Ito ang buhay wala ng mahahangad!

Minsan napaaga ng gising agad bumalikwas
Pumaimbabaw sa langit na malapad
Nang biglang may hanging sa akin ay humampas
Kagagawan ng Agilang tunay na kay kintab!

Kay ganda!  Kay kisig! Tunay na matikas!
Sa pagkabighani hinabol ko agad
Sa dagat, sa burol, sa mga talampas
Ako ay hiningal... tumigil.... malayo ang agwat.

Kinabukasa'y kinausap mga matatanda
Sa kanila sinabi aking pagkamangha
Ah si Joey iyon nakatira sa Ibaba
Sanay talaga iyon sa pakikipagdima!

Mga araw, linggo, buwan, taon ay nagdaan
Paunti ng paunti ang pumapailanlang
Sa wari ko ay napagod... katawan ay pagal
Ang iba ay naduwag tumago sa ilang.

Minsan sa itaas may agilang ding makintab
Kami ay nagpanghimok unahang makalampas
Pabilisang makarating sa bundok na kay taas
Sa huli'y ako ang nagwagi ng mahawi ang ulap.

Sabi nya sa akin ako daw ay higit
Ang ibang agila na sa una lang mabilis
Kapag unos at bagyo ay sumingkad humagupit
Nababahag daw kanilang mga bagwis!

Ang makintab na agila ngayon ay matanda na.
Ngunit sa tikas ng tindig walang pinagkaiba
Para pa ding dati malakas sa sultada
Gusto mong subukan?  Dapat maghanda ka.

Sana isang araw palikpik ko ay kumintab din!
Sabay kaming lumipad sa ulap na malalim
Maglalakbay... makikipagbuno... hindi dadaing
Panginoon ... sana ay matupad itong munting hiling!

Miss Kita

Miss ko na kayo
Leon Asilo

Hi Sweetie bigla lang kitang na miss!
Nakakainis talaga itong Covid na pandemic
Pwede sana akong diyan bumalik
Kaso mahirap ang sasakyan meron pang rapid/swab test!

Sarap maglakad sa may bandang likod
Kasama si Chuchay pag minsan ay si Whitey-pot
Kapag kasama kayo ay nawawala ang pagod.
Kahit puyat kapag ginising mo - sugod!

Napapangiti ako noong tinuruan mo akong mag Word Blitz
Kala ko ako ay magaling na...nakakainis
Ikaw, si Abram at Aemiell lagi akong nilulupig
Ayoko na suko na balik na lang ako sa chess!

Kumusta na ga ang iyong mga halaman?
Ang iyong grapes na galing sa kalangitan?
Ang iyong insulin plants panlaban sa aking ka sweet-an?
Ang paborito kung aso inyo gang pinaliguan?

Ako? Ito katatapos maglaba hirang
Agad ko ring ipinasok nagbabadya ang ulan
Huwag kang mag alala katawan ay iniingatan
Lagi mong tatandaan kitay mahal na mahal na mahal!


Thursday, June 11, 2020

KAILAN DARATING ANG UMAGA?

KAILAN DARATING ANG UMAGA?

Bakit sa tuwina'y kaydilim ng umaga?
Mga kulog at kidlat nagbabadya baga
Luksang ulap humahadlang talaga
Sinasansala ang mithing ligaya.

Parang batong di natitinag
Ang tanging saksi sa mga naganap
Mga nakita'y di maibulalas
Pagkat walang layang makapagpahayag.

Katulad ng mangmang na'y pinutol pa and dila
Dahil sa nakita ang krimeng nagawa
Mga nakita'y pinagwalang bahala
'Pagkat sa pagwika'y wala siyang laya.

Kawangis ng lahing minsa'y walang kibo
Laging yumuyukod, laging tumatango
Sa pagkasubasob di makatayo
Pagkat pinipigil ang mga maling turo.

Ah! Kailan nga ba sisikat ang araw?
Upang magsiwalat ng katotohanan
Upang ipabatid mga kamalian
Bunga ng ulap ng kasinungalinan.

Ang paraan kaya'y magsawalang kibo
At huwag indahin sugat na tinamo
O hanapin ang mga nagkanulo...
Kuhanin ang apdo't durugin ang puso?

#LeonAsilo

Friday, June 5, 2020

Hiling

Hiling
Leon Asilo

Sa buhay ay wala ng mahihiling pa
Buhat ng tayo ay pinag-isa
Magkasama sa hirap, sakit at dusa
Magkapiling sa tagumpay at saya.

Di mo na siguro tanda ng una tayong nagkita?
Sa Singles for Christ iyon kay saya talaga!
May narinig akong may humagikgik na dalaga.
Dagli ako lumingon, iyon ay ikaw pala.

Hindi ko alam para kang magnet
Lagi na lang ikaw ang nasa isip!
Sa Kabalikat sumali din kahit di mahilig
Ako ay si Journal. Ikaw naman ay si Silvics.

Sa panliligaw mahirap maging formal
Dapat  nagpapaka  totoo ka  lamang
Minsan  kasera ko ako ay tinawanan
Pagkat nalamang isang paa ko'y nahulog sa kanal.

Yari busted tiyak ang Mangyan!
Ako ay nag-isip... ibang strategy naman
Gusto ko ay unusual
Instead na bulaklak binigay  ko ay tulingan.

Ikaw yata ay naawa sa aki'y napatingin
Oo ay iginawad noong  November 27
Makalipas ang dalawang taon nagkaroon ng Piging
Kapagdaka ay nagbunga ng dalawang poging supling.

Maaring lagi tayong magkalayo
Subalit huwag ka sanang masiphayo
Aaminin ko meron akong dalawang kalaguyo
Ngunit mas matimbang ka pa rin sa aking puso!

Tanda ko pa noong ako'y nasa bingit nang alanganin
Angiogram ba or Angioplastyplasty ang sa akin ay gagawin?
Angioplasty sana ang sa Doctor ay sabihin
Sapagkat ang UCPB naman tiyak ako ay sasagipin!

Kahit pala paano'y ako ay mahal mo rin
Sa punas ng alcohol at bulak ako ay biglang nagising
Luha ay pumatak, bugso ng damdamin
Hindi mo hinayaang mundo ko ay magdilim!

Wala na akong mahihiling?
Maalaga ka kay  kuyacute pati na kay Aem Aem
Kasundo ang pamilya ko. Sa iba'y di tumitingin.
Meron pa ba akong hihilingin?
SWEETIE HAPPY BIRTHDAY!!!

Tuesday, June 2, 2020

My Other Woman!

My other woman!
Leon Asilo

Dati rati di kita napapansin
Pagkat sa basketball ako'y tunay na haling
Subalit nang minsang magka Liga sa amin
Sukat ba namang si Putol ang piliin.

Mula noon ay akin nang napagtanto
Sa larong basketball di tayo lalago
Dapat itong  ipagbawal kahit saang dako
Ito ay pang barangay lang di pang malayo!

Isang araw mga kaklase ko ay nag-aasaran
Ako ay naintriga pinuntahan ko naman
Doon nakita ko mga mata mong mapupungay
Mga tagahanga mo ikaw ay pinaligiran!

Aaminin ko noong una ay paghanga lamang
Subalit ano itong nadarama ko habang tumatagal?
Hindi maaaring hindi ka masilayan
Umamin ka umamin ka ako'y iyong kinulam!

Subalit natantong kayhirap mong ma please
Inuuna mo sila ikaw ay nakakainis
Ano ba ang gagawin para puso mo ay makabig?
At ikaw ay bumagsak sa aking mga bisig!

Nagdaan ang mga araw, linggo...buwan
Bakit sa iyo ako  pa rin ay talunan?
Ako naman ay pansinin mo maawa ka naman.
Ako naman ay pagbigyan mo, pagbigyan kahit minsan.

Kawangis mo ay buko ng rosas
sa hardin ng bulaklakan
Ako naman ay bubuyog talulot mo'y hinahagkan
Parating bubulong bulong umaamong pakikinggan
Yaring daing ng puso kong pag-ibig ang dahilan.

Masakit man ikaw ay nilisan
Si Mama sa Manila ako ay ipinasyal
Sa National Book Store mga paa ko ay natagpuan
Naghahanap ng pasalubong para sa iyo mahal.

Ikot dito ikot doon ikot ikot lang
Wala akong makita na sa iyo ay iaalay
Nakakita ako madaming libro kakakapal
Pinakyaw ko Informator P4.75 laang.
  
Piping saksi ang abandonadong bahay
Sa pagguhit ng kawangis mo sa papel na luhaan
Iniukit ang kulay itim at puting may pagitan
Mga nauupos na daliri'y aking pinagyaman.

Hindi naglaon ay ikaw ay bumigay!
Ako ay naging iyo, ikaw ay naging akin naman
Nang ikaw ay yapos yapos nakaroon ng sumpaan
Nangakong magsasama hanggang kamatayan!








Thursday, May 14, 2020

Ako ay Bomoto

Ako ay Bomoto
Leon Asilo

Ako ay bomoto at ang ibinoto
Si P sa pagkapangulo
Sa pag aakalang may magandang pagbabago
Akong makikita sa Inang bayan ko.

Huli na ng aking napagtanto
Ako at ang iba ay tila nagoyo
Ang 44 na magiting at palabang sundalo
Ay sukat ba namang kanyang ipagkanulo

Ako ay bomoto at ang ibinoto
Ay si T na parang maginoo
Sa pag aakalang siya ay magbabago
Sa pag aaklas ng siya ay sundalo

Pa like like pa ako sa kanyang facebook page
Talagang akala mo ay inaapi lagi ang peg
Habang tumatagal ako'y naiinis
Pagkat ginagawa'y pansariling interest

Ako ay bomoto at ang ibinoto
Ay si chubby girl sa Senado
Dati rati hangang hanga ako
Maganda ang diction mukhang matalino

Anyare teh nag iba ang ikot
O ikaw ba ay talaga lang malibog
Paninindigan mo ay biglang lumambot
Kahit sa bartolina ikay kumekembot.

Ako ay bomoto at ang ibinoto
May pagkabastos pero maginoo
Pinaglihi sa puwit ng manok ang gago
Walang ginagalang walang sina santo

Pero kung susuriin ang kanyang ginagawa
Ay makakabuti sa bansang bilasa
Na may mga minoryang walang ginawa
Kundi bumatikos at sumuporta sa kaliwa

Bakit ba noong kanilang panahon?
Ay di pinag igi ang kanilang pag timon
Tapos ngayon sila ay walang bakasyon
Pinipilit ang madilim na kahapon...